Maalaala Mo Kaya?
Naging paborito mo rin ba ito noong bata ka? Ito ay Pulot (Pulot-Tubo),pero sa ngayon ay "Sundot Kulangot" din kung tawagin ng mga bata at nabibili ito sa mga tindahan.Noon ay Piso ang bili nito.Mas malaki ang bilog ng kagaya ng nasa stick sa larawan. NAAALALA NYO PA BA?
Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan; Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang; 10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon; Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo. Pakikinig ng drama sa radio, tulad ng Simatar, Kapitan Radam, mga liham kay tiya Delly at sa gabi naman ang gabi ng lagim tinatakpan ang iyong tenga kapag naririnig mo ang alulong ng aso…. Naa-alala mo pa ba?
Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro/a: Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa di mo kakilala. Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana; Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal's office o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams; Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak...
Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy's noon. Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong, "sketeng" (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno; patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan) ; sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp. Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga iyon. Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!) May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo; Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin; Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa. Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology.. . di ba minsan nangarap ka na rin... mas masaya noong araw!
Sana pwedeng maibalik... Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob... Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kayat ayaw tayong mapahamak o mapariwara.. .. Na una silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo... Balik tayo sa nakaraan kahit saglit... Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone. Noong wala pang mga drugs at malls. Bago pa nauso ang counter strike at mga game boys.
Tayo noon...
Doon ...
Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan; Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa "Mga Aninong Gumagalaw" Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado natin, kasi wala namang calculator. Pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama ; Pagtikwas o pagtitimba sa poso; pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae; Inaasbaran ng mga suberbiyo; Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page. Nai-sako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?
Pamimili ng bato sa bigas; tinda-tindahan na puro dahon naman; bahay-bahayan na puro kahon; naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw? Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan; Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ang lukaok, susuwi at espada?
Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata... Estigo santo kapag nagmamano. Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; matakot sa "berdugo" at sa "kapre"; Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!
Yung crush mo?
Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay -alembong, taeng-kabayo o biscocho? Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel; Kung gusto mo naman - pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat; Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy.
Madami pa... Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan; ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin... Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog; Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka; o naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan.
Lipstick mo ay papel de hapon; Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit; Naglululon ka ng banig pagkagising; matigas na amirol ang mga punda at kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba? Pwede rin sa laylayan... May mga program kapag Lunes sa paaralan; May pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk. Di ba masaya? Naalala mo pa ba? Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon... Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon... Di ba noon... Ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?" Pag ayaw ang resulta di ulitin: "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?"... Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How how the carabao batuten... Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman; Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti; Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa; Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka; kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen. Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo. Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo; meron tayong skyflakes at Royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na Royco.
Kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN!
Pustahan tayo nakangiti ka pa rin! Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay.......... ... MATANDA ka na! he he he... pero kung hindi ka maka-relate, padala mo na lang sa akala mo ay kapanahunan nya ito para maalala din niya at mangiti rin siya.
Galing yan sa isang kaibigan...
Magandang Huwebes!
10 comments:
Na confucius ang byuti ko habang binabasa ang entry, kasi nakatingin din ako sa profile mo sa sidebar saying na 28 ka lang, so akala ko kapanahunan mo talaga si Rosa Rosal (o yan kilala mo? hi hi hi) buti na lang at nabasa ko pinakadulo na 'galing yan sa isang kaibigan' ha ha ha!
naloka ako sa singkong baon, kasi bente sentimos ang inabutan ko ha ha!
happy lp!
Ako din nalito, sabi ko, ka-age ko lang sha pero di ko yata maalala ang mga nakasulat hehehe.
pero meron namang ilan, yung namimili ng bato sa bigas, sa kindergarten ako, tapos nung mga sumunod na taon tinanong ko si mama, "bakit di na natin inaalisan ng bato ang bigas?"
singkwenta sentimo ang ice candy nung bata ako hehe...
grbe ho pala ung generation gap..:)
masarap balikan at maglaro ulit nyan..ung stik...haha
dumadaan lang ho
noong bata ako, tinutulungan kong magpili ng bigas ang lola ko! bakit ngayon wala ng bato ang mga bigas? hee hee. mabuti naman ano?!
hindi ko naging peborit ang sundot kulangot! hahaha!
haha, pareho kmi ni tita thess...naguluhan knowing na 28 ka lang...natanggap ko na ito sa isang email..nakakatuwa ito talaga!at ganyan na pala ang itsura nyang sundot K na iyan!:)dati sa parang maliit na kawayan ata?
sundot kulangot! nakakadiring pakinggan pero ang sayang kainin kasi parang naglalaro ka habang sinusundot yung malagkit na minatamis. haha.
oo, simple lang ang buhay noon...simple pleasures.
Uy sundot kulangot! Saan ba makakabili niyan? Wala niyan sa amin eh.
Kumusta po? Ito po ang lahok ko ngayong linggo.
Di ko naging paborito ang SK dahil sobrang natatamisan ako pero salamat sa "trip down memory lane" - marami-rami din akong naalala sa mga isinulat mo. :)
OO medyo guranging na ako. SK, ayaw ko nun eeewww kasi pakingan he!he! saka di ko alam yun.
alisin ang bato sa bigas, I used to do those a lot. Ngayon konti na lang. Maybe because rice today are usually GMO'ed :-)
Fun!
Cheers!
foklat!
Post a Comment